Bakit Ko Tinututulan Ang RH Bill?

From Ansel Beluso, former entertainment writer and showbiz talk-show host:

Ang RH Bill ay mapanganib sa pamilya dahil pinahihina nito ang ugnayan ng magulang at anak; at pinanghihimasukan nito ang karapatan at obligasyon ng magulang bilang pangunahing guro at gabay ng mga anak sa usapin ng seksuwalidad.

Ito rin ay mapanganib sa kabataan dahil ituturo nitong isabuhay ng ating mga anak ang kalayaang magbubunga ng ibayong kapusukan at mga maling pagpapahalaga. Ito ay salungat sa aral ni Ama at ni Ina, kumakalaban sa tradisyon at kalinangan nating mga Filipino, at may malaking potensiyal na magdulot ng peligro sa kapakanan ng mga bagong sibol na Filipino.

Tagged with: , , , , , ,
Posted in RH Bill, Sex Education, The Catholic Perspective, The Moral Argument
One comment on “Bakit Ko Tinututulan Ang RH Bill?
  1. Royel Gerra says:

    OK LANG BASTA MAG
    CONDOM KA. LIBRE NAMAN

    Namimigay
    ka ng codom sa kalsada dahil libre ito mula sa gobyerno, ano ang sasabihin mo
    sa taong binibigyan mo nito? P’re, ok lang makipag sex ka basta mag condom ka.
    Yan ang tatak ng isang responsableng tao. Tanda ng responsableng magulang.

    Ano ba ang
    dahilan kung bakit gusto natin ng RH? May karapatan ng babae sa kanyang
    pangangatawan. Kaya pag-uwi ng asawa niyang pulis na lasengo at gustong makipag
    sex sa kanya, aba, di lang di siya pwedeng tumanggi, siya mismo ang magkakabit
    ng condom sa asawa niya. Yan ang tatak responsible, tanda ng responsableng
    magulang. Libre naman ang condom. Ano ba ang probelma nila pag libre?

    Siyempre,
    hindi pwedeng tumanggi. Hindi pwedeng sabihin sa asawang pulis na wag muna
    ngayon dahil baka mabuntis ako. Huwag muna ngayon dahil ayoko. At bakit hindi?
    Aba, may libreng condom naman. Huwag mong sabihin na binebenta mo yung condom
    para magkapera? Pati ba naman yung condom kinukurakot mo pa mahal kong asawa?

    Ano ba ang
    dahilan kung bakit gusto natin ng RH? May karapatan ang mga mahihirap nating
    kababayan sa biyaya ng langit. Unfair naman kung mga mayayaman lang at mga can
    afford ang nagtatampisaw sa masarap na biyaya ng langit ng walang alinlangan.
    Dapat mag benepisyo din ang mga mahihirap nating kababayan. Ilibre na natin ang
    condom o mga contraceptives. Essential medicines ang mga iyan, marapat para
    maabot ng mahihirap ang langit na minimithi.

    Sayang
    naman din na yung perang pwede nang impambili ng mahihirap nating kababayan ng
    bigas ay ibibili pa nila ng condom. Kaya ilibre na lang natin sila ng condom.
    Ilibre na rin natin sila ng contraceptives. Bakit di natin kaya ilibre sila ng
    yosi nila at pang-toma? Sayang din yung perang ipambibili nila dun na pwede na
    rin sana nilang ipang dagdag sa kanilang ulam sa maghapon. Kung madedo man sila
    sa cancer o sakit sa lungs, ano ba naman ang kabawasan sa kargo ng gobyerno, di
    ba? Kaya nga gusto natin mag RH para mabawasan an gating populasyon di ba?

    Inilibre na
    natin yung condoms at contraceptives, bakit hindi rin natin ilibre na rin yung
    babae, yung lalake, yung bading, yung tibo at yung “bi-tra”? Mahal bang
    masyado? O hindi kikita yung paborito mong pharmaceutical company at wala yung
    40% ni ser, ni ma’am o ng paborito nating congressman? Kayo naman, hayaan niyo
    namang kumita ang mga puta at makakomisyon yung mga bugaw. Share the benefits,
    ‘ika nga.

    Di bale na
    na mula sa sariling bulsa ng mga mayayaman at mga can afford ang kanilang
    pagtatampisaw sa hulog ng langit. Di bale na na marahil ay pinaghirapan din
    nila yung perang ipinambayad nila ng condom at contraceptives, na pinag-ipunan
    nila ito para makamit ang heaven. Basta ang importante, may karapatan din
    kaming mga mahihirap sa biyaya ng langit. Yan ang tatak responsible, yan ang
    tanda ng responsableng magulang. Wika nga ni Senator Enrile, “gusto ko happy
    ka” kaya “Pag may karapatan, Libre ka!” Naalala ko tuloy si Sen. Joker.

    Bakit po
    gusto natin ng RH? Para may safe sex. Pag gumamit po ba ako ng contraceptives e
    safe na ako? Sa Thailand at Africa po ba ay naging safe ang sex kaya successful
    yung condoms campaign nila doon? Bumaba po ba yung AIDS sa kanila? Of course,
    bumaba. Kung walang condoms doon malamang na higit na marami pa ang nagka-AIDS
    doon. Talaga po? Di kaya guniguni lang iyon, isang paraan na walang batayan
    para masabi natin sa ating sarili na kahit papaano ay nagbunga din ang ating
    paghihirap at pagmamalasakit sa ating kapwa?

    E kung sa
    halip na mamigay ng condoms ay sinabi natin na bawal makipagsex kasi doon
    nakukuha ang sakit na AIDS, mas maganda din po kaya ang maging resulta? Mahirap
    malaman at maaring maging guniguni lang din iyon pero kahit papaano ay naging
    tapat tayo sa ating sarili at sa mga taong mangmang na nais natin tulungan.
    Alam natin na hindi proteksyon ang condom sa iresponsableng pakikipagtalik na
    pinapakita ng katotohanang hindi nasugpo ang pagdami ng AIDS victims sa
    Thailand at Africa. Kung namimigay tayo ng condoms, ano ang ibig nating
    ipakahulugan nito kahit bukambibig natin na huwag tayong makipag sex kung
    maiiwasan? Ano ang iisipin ng taong nangangati ang kuwan at may hawak na
    condom? Para pong mountaineer yan, inaakyat nila ang bundok dahil nandiyan ang
    bundok. Para saan pa yung condom? Para gawing lobo sa birthday party ng mga
    bata?

    Bakit ba
    gusto natin ng RH? Maraming babae ang nangangamatay dahil wala silang access sa
    RH. Nagsisimula kasi yan sa kawalan ng condom at contraceptives. Pag walang
    condom o contraceptives, yun, buntis. Pag nabuntis, yun, nahihirapan sa
    pagdadalantao. Dahil buntis, manganganak at maaring mamatay. Yun, may karapatan
    ang babae na huwag mamatay dahil sa pagdadalantao niya. Kaya kailangan ang
    condom. Kung ayaw ninyong mga lalake, e kami na lang na mga babae ang
    magcocondom at kayo naman ang magbuntis. Payag kayo?

    E sino ba naman
    ang nagsabi na kapag nagdelikado ako sa panganganak e hindi na ako dapat
    lapatan ng lunas sa ospital o sa health care center? Di ba may karapatan pa rin
    ako sa matalino, maayos, sapat at napapanahong pangangalaga ng doktor? O baka
    naman dahil sa hindi ko plinano yung aking pagbubuntis e, siyempre, sagabal yun
    sa freedom ko ‘no? At, alam mo na Dok yung kailangan mong gawin, kailangan pa
    bang imemorize yan? Yun po ba ang direksyon natin?

    Ano po ba
    ang nasa RH na hindi pwedeng magawa ngayon sa kasalukuyang batas para
    mapangalagaan ang kalusugan ng mga ina, mabigyan sila ng karampatang atensyong
    medikal at mapayuhan ukol sa “responsible parenthood”? Bukod sa badyet sa
    condoms at contraceptives, may dagdag po ba doon sa ibang serbisyong medikal at
    sa kampanya para sa “responsible parenthood”?

    Dahil
    importante na pangalagaan natin yung karapatan ng kababaihan sa sapat at
    napapanahong attensyong medikal, kaya kailangan natin ng RH. Pero bukod sa
    mandatong gawing “essential medicines” ang mga condoms at contraceptives, ano
    ang nasa RH Bills na nagbibigay ng karagdagang badyet para sa sapat at
    karampatang attensyong medikal ng mga buntis nating kababayan? Bukod sa Bilyong
    Pisong laan para sa condoms at contraceptives, ilang Bilyong Piso naman ang
    laan para sa pangangailangang medikal sa panganganak ng gating kababaihan? O
    baka naman dahil may condom na, e tingin natin wala ng mabubuntis or kung may
    mabuntis man, iabort na lang yan dahil hindi naman siya naplano ng Nanay niya.
    Kaya wala ng badyet para dito na nakalaan sa RH. Ganun po ba?

    Bakit di na
    lang natin dagdagan ang badyet ng DOH at Philhealth? Bakit kailangan pang
    isabay ito sa RH? Dahil ba kung hindi ito isabay sa RH, magmumukhang
    ipinagpipilitan lang natin yung condoms at contraceptives na “essential
    medicines” bukod sa kampanya ukol sa “responsible parenthood”?

    Magkano nga
    po uli yung badyet para sa kampanya sa “responsible parenthood” kumpara sa
    badyet sa “essential medicines”? Meron po ba nun sa RH Bills? Mas malaki kaya
    iyong badyet ng responsible parenthood kesa sa condoms? O baka naman katiting
    lang ang badyet nito dahil laway lang naman ang kapital doon at mas importante,
    wala namang kikita duon – hindi kikita yung pharmaceutical companies, hindi si
    mayor, si governor, hindi si congressman, senator, si secretary at lalong hindi
    yung tuwid na daan.

    Kung ang
    kadahilanan ng pangangailangan ng condoms at contraceptives ay para mabawasan
    ang nangangamatay na kababaihan, bakit hindi binibilhan ng gobyerno ang mga
    motorsiklista ng helmet para mapangalagaan ang kanilang kaligtasan? Dahil ba
    mahina ang kita ditto o dahil mga kalalakihan naman ang karamihan sa kanila
    kaya ok lang, di naman yan women’s rights issue?

    Bakit nga
    po ba gusto natin ng RH? Kasi, sagot ito sa kahirapan sabi nga ng mga ekonomista
    ng UP na sinangayunan din ng mga taga eskwelahan sa tabi nila. E ekonomista na
    yung nagsabi, tapos na ang usapan. Ekonomista din si Presidente kaya marahil
    yun na yung huling salita.

    E ano po ba
    naman yung epekto ng kakulangan ng mga mamamayan sa Uropa sa ngayon sa kanilang
    ekonomiya? Kung wala yung sobrang Pinoy at Pinay at sino pa mang chipipay na
    tao na handing magsakripisyo at magtrabaho sa kanila, ano na po kaya ang
    nagyari sa kanilang ekonomiya?

    Yung Tsina,
    bakit ang damidami nila pero maunlad pa din naman sila at di naapektuhan ng
    kanilang populasyon? Maunlad nga sila, pero maraming-marami pa din sa kanila
    yung lubog sa kahirapan. Yung kahirapan ba ay talagang dulot ng “over
    population” o dahil sa di makatarungang pangangalaga at pamamahagi ng yaman ng
    bayan? O dili kaya marami pang ibang bagay ang nakakaapekto sa kaharipan or
    kagaanan ng buhay ng tao sa isang bansa?

    Dito na
    lang sa atin, di ba yung sobra-sobrang mga tao na nangibang bayan na ngayon ay
    tawag natin ay bagong bayani ang siyang nagsasalba sa ating ekonomiya? Di ba
    kung hindi sila umalis o napilitang umalis dahil sa kawalan ng oportunidad na
    umasenso dito sa atin, di sana ay bangkarote na rin marahil ang Pilipinas? Di
    ba matagal-tagal na rin naman tayong nabubuhay dito sa ating bansa subalit
    nagbago o nabawasan ba ang mga pamilyang nagkokontrol ng mahigit walumpung
    porsyento (80%) ng kayamanan ng bayan? Bukod sa mangilan-ngilan na pinalad na
    yumaman sa ibang bansa kasama na si idol Manny Pacquiao, iilan nga bang pamilya
    ang may kontrol sa karamihan ng yaman ng bayan?

    Utang na
    loob naman po Panginoon ko, lubayan ninyo naman po kaming mga mahihirap.
    Siyempre, gusto namin ng libre – Ano bang problema nila kung libre? Pero por
    Diyos y por Santo naman po, huwag niyo naman po sabihin na para sa aming mga
    mahihirap ang mga condom at contraceptives. Kung gusto ninyong kumita, sabihin
    na lang po ninyo na ganun nga po ang pakay pero huwag ninyo naman po gamitin
    kami.

    Alam po
    ninyo at alam din namin na di kami nakapag-aral, burara, ignoramus, tanga,
    irresponsable, walang utak. Pero kung bibigyan ninyo kami ng condom e
    tatanggapin po namin iyon ng bukas na puso at zipper. Libre e.

    Yun na nga
    po e. Wala po kaming utak, e bakit di na lang po punuan natin ang gaming utak?
    Bakit di natin dagdagan ang badyet sa edukasyon at hindi yung dami ng taon ng
    pag-aaral namin at ng aming mga anak? Dahil ba sa karagdagang gastusin yung
    magdadagdag ka lang ng badyet samantalang kung magdaragdag ka ng taon ng
    pag-aaral e maraming private schools ang kikita? Kelan ba naman po sa
    kasaysayan ng Pilipinas gumanda at gumaling ang mga graduates natin dahil sa
    pagdagdag ng taon ng pag-aaral bago magkolehiyo? Sabi nga ng lolo ko, noong
    panahon nila, hanggang grade 4 lang natapos niya pero mas magaling pa siya sa
    isang college graduate ngayon.

    Yung
    problema po ba ay yung kawalang laman ng utak kaya ang solusyon para sa amin ay
    saputan ng condom ang aming mga ulo, ‘ika nga nila, literally, bagamat hindi
    yung ulo sa taas ng balikat namin?

    Sa paraang
    pamamahagi ng libreng condom, ano po ba ang ipinaparating noon sa amin? Na
    kapag nangati ang aming kuwan, e huwag na kaming magtiis, huwag na naming
    ikiskis sa pader o sa puno ng saging yung kuwan kasi masasaktan lamang kami.
    May libre namang condom, bakit di natin gamitin? O kung di mo talaga matiis,
    bakit di ka magcondom? Ok lang yun basta magcondom ka. Ang importante, you
    engage in safe sex, di ba?

    Sabi nila,
    dapat iplano mo ang pamilya mo at ang pag-aagwat ng mga bata at makakatulong
    dito yung condom at contraceptives. Libre naman yun mula sa gobyerno.
    Responsible parenthood yan, sabi nga ni Presidente.

    E kung
    mabuntis pa rin? Siyempre, sasabihin natin na ibig sabihin noon, grasya mula sa
    Panginoon yung baby. Pero di ba ayaw na nating magdagdag ng bibig na pakakainin
    dahil hirap na hirap na tayo kaya tayo nag-aRH? Opo. E bakit namin itutuloy ang
    pagbubuntis at pagsilang sa baby kung dagdag lang na bibig na pakakainin ito?
    Siyempre, sasabihin natin na kasi yung baby ay grasya mula sa Panginoon.
    Makakain po ba yung grasya na yun? Siyempre hinde, pero magpasalamat na rin
    tayo. Ganun?

    O kaya
    naman ganito ang maging usapan. Bobo at iresponsable nga kaming mga mahihirap
    kaya naman binigyan na lang kami ng condom kasi mahirap maipaliwanag at
    maipasapuso at gawa yung pagiging responsableng magulang bukod siyempre sa
    tamang paggamit ng condom. E kung mabuntis? Kaya nga kami nagcocondom dahil
    ayaw namin magkaanak. E nabuntis na nga? Ano pa ang gagawin diyan kundi alam na
    ni Dok yan. Sa Quiapo nga alam nila, si Dok pa kaya? Mataas yata ang
    pinag-aralan niya.

    Oo nga po,
    mangmang at iresponsable kami. Pero hindi naman kami ganun kamangmang at
    iresponsable para hindi maintindihan ang mensaheng ipinaparating ninyo sa amin.
    Maganda po ang layunin ng RH. Sa katunayan, di naman ito nagkakalayo sa layunin
    ng pro-life – pro-life na hindi lang po limitado sa fertilized egg lamang kundi
    po yung patungkol sa makataong kundisyon ng bawat Pilipino, bawat tao.

    Maganda po
    yung slogan noon na “higit sa lahat, tao”. Sana po, huwag naman yung pangangailangang
    sekswal ang nangingibabaw na konsiderasyon. Tao din po kami, may dignidad, may
    katalinuhan, may kakayahang intindihin ang aming kalagayan basta mabuksan
    lamang ang aming isipan hindi na kinukulob ito sa sapot ng condom – na para sa
    amin ang pagsusulong ng pamimigay ng condom at contraceptives.

    Maganda po
    yung libre at hindi po namin ipagdaramot ang pagpapasalamat sa pamimigay ng
    libreng condom at contraceptives. Pero mas maganda po sana yung mga serbisyong
    medical na sapat, napapanahon at kinakailangan naming mga mahihirap. Bakit
    hindi natin paglaanan yun ng karampatang badyet?

    Maganda po
    ang libreng condom at contraceptives para makitipd kami sa gastusin na pwede na
    naming iambag sa bigas na pangsaing. Pero mas maganda sana kung imbes na gumastos
    tayo ng bilyon bilyon para payamanin ang mga pharmaceutical companies, gamitin
    na lang natin yung pera para maglikha ng industriya at trabaho para may
    mapagkaabalahan at mapaglaanan kami ng aming oras bukod sa pakikipag sex. Malay
    ninyo, dahil sa trabaho namin ay mawalan na kami ng enerhiyang makipag sex sa
    gabi dahil sa pagod. Malay ninyo, sa hirap ng trabaho, mapagtanto namin na
    huwag dapat kami anak ng anak dahil kami mismo ang kumakayod ng aming
    ipinapangkain na hindi galing sa CCT ng DSWD.

    Mahirap po
    ang maghagilap ng pangkain sa araw araw lalo na at wala kang estableng hanapbuhay. Pero mas mahirap po ang umangat
    sa kahirapan kung ang trato po sa amin ay patabaing baboy na binibigyan ng pera
    na pangkain namin sa pamamagitan ng CCT at ng condoms at contraceptives para sa
    aming sekswal na pangangailangan. Mahirap pong ibangon ang aming pagkatao sa
    paglulugmok sa kumunoy na iyon – dahil iyon po ay paglulugmok sa kumunoy ng
    pag-aasa (hindi pag-asa) kung hindi man sa ibang tao, ay sa gobyerno. Maganda
    po ang pagtanaw ng utang na loob, pero utang na loob naman po, huwag naman sa
    pamamaraang ipinapangutang ang aming loob at niyuyurakan at ginagamit ang aming
    kalooban sa komersyal na motibo. Marami pa po tayong mas magandang
    mapaglalaanan ng perang para sa condoms at contraceptives na makakatulong sa
    amin.

    Maganda po
    ang layunin ng RH ngunit kwestyon lang po iyan ng priorities, ng badyet. Kung
    ang badyet na nilalaan para sa condoms at contraceptives ay di hamak na mas
    malaki kumpara sa medical needs and facilities, sa kampanya para sa
    “responsible parenthood”, sa mga pangkabuhayang opportunidad, ay diyan po tayo
    nagkakatalo at diyan po nabibisto na di tugma ang RH sa layunin nito.

    Bukod po
    diyan, maganda na ating pag-isipan kung anong klaseng mentalidad o moral
    standard ang ating nais maipangibabaw sa ating lipunan. Sa debateng sino ang
    mas makatao, ang anti ba o ang pro, nakakalimutan natin na ang mensahe ng RH
    ayon sa mga nagsusulong nito ay pilit na inililipat ang punto de bista ng mga
    tao mula sa bawal ang sex sa ano mang kadahilanan (bata pa, di pa kasal, ayaw
    mo, meron ka, atbp.) papunta sa ok lang makipagsex basta mag condom ka. Mula sa
    bawal ang abortion dahil sa kahalagahan ng buhay sa ok lang kung narape ka, o
    dahil di natin naplano, o dili kaya sa kawawa naman siya pag nabuhay siya dahil
    iluluwal natin siya sa mala-impyernong pamumuhay natin ngayon.

    Ito ba ay
    tanda ng ating pagmamahal at pagkalinga sa ating mahihirap na kababayan at
    kababaihan o isa pampalubag loob sa ating mga sarili, na kahit papaano meron
    tayong ginagawa para sa ating mga mahihirap at nahihirapang kababayan.

    Sa kabila
    ng debateng ito, mukhang nakakalimutang tingnan ang isyu na may kumikita dito.
    Na may mas masidhing pananaw na pilit ipinipilit sa pas-iisip ng mga tao lalo
    na at hindi ito sa level ng consciousness natin. Na kapag nakaisip o nangati ka
    na makipag sex, hindi na importante na isipin mo ang magiging konsekwensiya ng
    iyong pakikipagtalik o na kung pwede naman itong ipagpaliban sa mas naaangkop
    na panahon. Basta mag condom ka o nakacontraceptives ka, anytime, ayos ka.
    Basta nabuntis ka, ipalaglag mo na, di na importante na dugo at laman mo yung
    nasa puson mo o dili kaya ay naluwal ka din dahil sa pagmamahal ng magulang o
    nanay mo kahit na anak ka sa pagkadalaga o produkto ka ng rape. Basta ayaw mo
    na, palitan mo na. Mura na ang mga bagay bagay ngayon at marami kang
    mapagpipilian sa merkado, condom man yan, contraceptives man yan, sex man yan,
    asawa man yan o buhay man yan. Consumer rights tayo dito, di pwede ang no
    return no exchange and the more you buy, the betterer.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Enter your email address to follow this blog and receive notifications of new posts by email.

Join 1,962 other followers

%d bloggers like this: